Running Jokes
Since our government is slowly but surely turning into a full-blown circus, heto'ng isang akda na naisulat ko nu'ng mga panahon na pumipili pa lamang tayo ng mga payasong magpapatakbo sa gobyerno.
Isa na namang biro ang ibinulalas
Ng mga naghaharing Hudas.
Bumuhos ang tawa ng madlang
Di nakahahalatang
S’ya ang tampulan ng tukso.
Luko-lukong lokong-loko
Sa sarili n’yang kalokohan.
Masyadong bingi sa halakhakan
Upang maulinigan
Na wala s’yang dapat ikatuwa.
Kakatwa.
Nakatatawa nga naman ang tumawa
Sa katatawanang ikaw rin ang lumikha.
Ang tuluyang mabugok
Sa imahen ng lakayo sa tronong
Ikaw mismo ang nagluklok.
Mananatili sa tuktok
Hangga’t ika’y nanlulumo sa ’yong aliw.
Hanggang sa ika’y tuluyan nang mabaliw
Kanonood sa kanilang palabas:
Paulit-ulit, walang patalastas,
Walang wakas, walang ligtas.
Uulit lamang bukas
Dahil nakuha ka sa sayaw
At nakuha ka sa awit.
Nakuha mong ipagpalit
Ang lohika nang mabingwit
Na nila ang ’yong atens’yon.
Walang pagkuk’west’yon,
Ikaw ang pumirma sa sentens’ya
Ng ’yong sariling pagdurusa.
At ngayong huli na,
Ano pa ang magagawa?
Ngayong may pagsisisi,
Sino dapat ang sisihin?
Ako, ikaw, o sila?
Kailan titila ang mga tawa?
Comments (1)
"true words"