Patay-Malisya

Nag-aaral para makapagtrabaho. Minsan, nagtatrabaho para makapag-aral. Madalas, may isinasakripisyo.


UNA

Sa Hapag-Kainan

Magtatakip-silim nung ako ay nakarating sa aming tahanan. Napupuno ng mahihinang hagikhikan ang aming maliit na sala dahil naglalaro ng pitik-bulag ang aking dalawang nakababatang kapatid. Habang si Inay at si Ate ay nasa kusina at abalang naghahanda ng hapunan. Wala pa rin si Itay, malamang siya’y nasa kalye at namamasada pa rin.

Nagmano ako kay Inay sabay akyat sa aking silid—na ubod ng kitid at init. Binuksan ko ang maliit na bentilador at binuklat ang aking aklat at kwaderno. Magbabalik-aral muna ako para sa aming pagsusulit bukas habang hinihintay maluto ang aming ulam na isda.

Pampatalino raw ang isda sabi ni Itay. Pabiro niyang mawika; ngunit alam kong isa lang ito sa kanyang palusot dahil mas abot-kaya niya ang presyo ng isda kaysa sa dumodobleng presyo ng karne.

Hindi na ako umaangal pa. Sa hirap ba naman ng buhay ngayon, maswerte na kaming hindi kami nagdidildil ng asin.

Papatapos na ako sa aking pagbabalikaral nang tawagin ako ni Inay. “Utoy! Baba na at kakain na!” palahaw niyang tawag.

Bumaba ako at nakitang kumpleto na sila sa hapag-kainan: si Itay na tagaktak ang pawis galing sa pamamasada, ang aking dalawang bulinggit na nakababatang kapatid, si Ate, at si Inay. Mabilis kong hinagip ang magaspang at kalyuhing kamay ni Itay at nagmano sa kanya bago umupo.

Nagdasal kami at nagsimulang kumain. Tig-iisa kaming tasa ng kanin. Hati kami ni Itay sa isang isdang Don Pilas, gayundin sina Inay at Ate. Tig-iisang maliit na isda naman ang dalawa kong kapatid. Toyo at sukang may kamatis naman ang aming sawsawan. Mas masarap sana kung ito ay may sibuyas ngunit mas mahal pa sa karne ang presyo ng sibuyas ngayon. Nagkakamay sina Inay at Itay. Sabi nila, mas masarap daw kumain kapag nagkakamay.

Habang kumakain, nagtanong ang bunso kong kapatid. “Tay, hihinto na po ba ako sa pag-aaral?” inosenteng tanong niya habang namimilog ang mga matang nakatingin kay Itay.

Kasalukuyang nasa ikalawang baitang sa pampublikong paaralan si Bunso. Maaring naulinigan niya ang pag-uusap nina Inay at Itay kagabi kaya naibulalas niya ang tanong na iyon.

Hindi na nila kayang pagsabay-sabayin kami sa pag-aaral.

Nagkatinginan sina Inay at Itay, bakas ang gulat sa mga mukha dahil akala nila’y nahihimbing na kami nung sila ay nag-usap. Bakas sa kanilang mukha ang labis na pagaalala. Kunot ang noo at tiim ang bibig, tila hinahagilap ang mga tamang salita na sasambitin.

Si Inay ang unang bumasag ng katahimikan. Impit ang ngiti niyang winika, “Susubukan kong magtinda… ng mga… kakanin. Baka… kayanin naman namin ng Itay niyong mairaos kayo sa pag-aaral hanggang sa susunod na taon.” Halos pabulong na ang huling mga salita ni Inay.

Hanggang sa susunod na taon. Pagkatapos ng isang taon, wala nang kasiguraduhan ang aming pag-aaral.

“Pasensya na,” tila pagak at naluluhang sambit ni Itay. “Di ko rin talaga alam kung anong kahahantungan naming mga tsuper ng dyip sa pagpapatanggal ng mga lumang dyip.” Gumagaralgal ang kanyang tinig habang nagpapaliwanag. “Alam niyo namang pagmamaneho lang ang alam ng inyong Itay.”

‘Hindi ‘yun lang, ‘Tay,’ nais kong sabihin sa kanya. Ngunit tila may bikig sa aking lalamunan kaya hindi na namutawi pa ang mga katagang gusto ko pang sabihin.

“Pwede po kaming tumulong ni Utoy sa paglalako ni Inay pagkatapos ng klase,” ika ni Ate. “At tsaka Itay, malapit na rin po akong makapagtapos ng kolehiyo. Pasaan pa’t pwede na po akong maghanap ng trabaho sa susunod na taon,” dagdag na sambit ni Ate.

Edukasyon ang kinukuhang kurso ni Ate. May halos isang taon pa siya bago makapagtapos. Alam naman naming lahat na mahirap maging guro at mababa ang tingin sa mga guro sa Pilipinas. Mahirap makahanap ng trabaho kung wala kang lisensya. Para kang lulusot sa butas ng karayom ika nga ng matatanda. Tapos kapag pinalad kang makapasok nang pagtuturo sa pampublikong paaralan halos kakarampot pa ang sasahurin ng isang bayaning guro.

Subalit pangarap niya iyon, at ipinagmamalaki ko siya sa pagpili ng kursong edukasyon kahit hindi kinikilala ang propesyong iyon. Marangal. Martir. Bayani.

Umaliwalas ang mukha ni Bunso. Alam naming ayaw niyang huminto sa pag-aaral. Masipag siyang pumasok, napakamasayahing bata, at marunong makisalamuha sa kapwa. Dahil sa ugaling ito marami siyang kaibigan. Madaldal siya ngunit marunong sumunod sa kanyang mga guro. Kailanma’y hindi siya naging sakit sa ulo sa mga klase. Hindi siya perpekto; sadyang likas lang ang pagiging magiliw niya.

Lumunok ako upang mawala ang bikig sa aking lalamunan. Dala na rin siguro ng pangamba sa aking sasabihin. Takot ang nangingibabaw kung mapapanindigan ko ba o hindi ang aking mga wiwikain. “Makakapagtapos na rin po ako sa Senior High School ngayong school year. Balita ko po, maari nang makapasok sa call center kapag SHS graduate basta marunong ng basic English.”

Nagkatinginan sina Ate, Inay, at Itay. Napalingon naman sa aking gawi ang aking dalawang nakababatang kapatid na tila nanunukso ang mga mata. Hindi ko inaasahang pagtaksilan ako ng pumalya kong tinig. Pumiyok ang aking boses at maging ang aking damdamin.

Nakabibinging katahimikan ang sagot nila sa akin. Dapat yata ay hindi na ako nagsalita. Baka akalain nila ay sumasabat ako sa usapang matatanda. Siguro sa palagay nila ay hindi ko kakayanin? Marahil–

“Hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo, anak,” malumanay na tugon ng aking Itay. “Naalala mo noong tinuruan kitang magmaneho,” palatak niyang tawa habang inaalala ang nakaraan. “Wala pang trenta ang takbo mo dahil sabi mo takot kang makasagasa? Hindi na nasundan iyon. Doon ko nalamang hindi para sa iyo ang pagmamaneho. Masyado kang nerbyoso.”

“Kung ‘di ka pa handang magtrabaho, okay lang rin iyon, Utoy,” sabi ni Ate. “Alam naman naming takot kang makipagusap sa ibang tao. Sa amin na nga lang, alangan ka pang makipag-usap,” nakakalokong ngiti na may halong panguuyam na wika ni Ate. “Paano ka na lang sa call center? Hindi sa minamaliit kita, pero inaalala lang naming ang kapakanan mo. Masyadong stressful doon; baka doon ka pa matutong magkabisyo.”

Panandaliang katahimikan ang bumalot sa hapag. Hinihintay nila ang aking sagot at maging ang reaksyon. Nahihiya akong sumagot, “Ah, naiintindihan ko po.” Napakamot-ulo na lang ako, at nahihiyang ngumiti. “Pag-isipan ko po munang maigi.”

Dito na nakahinga nang maluwag ang lahat. “O sya, kain na ulit,” aya ni Itay.

Itinuloy na namin ang aming hapunan habang nag-uusap tungkol sa magagaang paksa gaya ng mga nangyari sa araw namin. Gayunpaman, habang kami ay nahihimlay sa matigas na banig ay bitbit pa rin namin ang bigat sa isip at damdamin sapagkat walang kasiguraduhan ang aming kinabukasan.


Pagmumuni-muni sa Paglalakbay

Isang beses, nakasakay ako sa modernong jeepney. Nag-uusap ang drayber at ang pasaherong nasa harap tungkol sa programang pagpapatanggal ng mga lumang jeepney sa bansa. Hindi ko masyadong maulinigan ang sinasabi ni manong drayber ngunit malinaw kong naapuhap ang sinasabi ng katabi niyang pasahero.

“Mas mabuti ang modernisasyon ng jeepney para man lang makaranas ang mga Pilipino kung paano mamuhay kagaya sa first-world countries,” winika ng babae, na para bang biglang magiging first-world country ang Pilipinas kapag binago ang itsura ng transportasyon. May pagtalon sa lohika niya na hindi naman niya alintana.

“Matatanggal na rin ang boundary system. Magiging parang empleyado na sila na diretso kaltas ng SSS, Pag-ibig, at Philhealth. Kahit mababa ang kita, may sweldo sila,” dinagdag pa niya.

Totoo ba iyon? Hindi ko alam, pero hindi ko masabi kung maganda nga iyon, lalo pa’t may Maharlika Funds na tila tinututulan ng iba.

Nabalitaan ko rin noon pa na palugi na ang SSS. Nasolusyunan na kaya iyon? Paano mabibigyan ng pensyon ang mga miyembro kung tuluyang malugi ito? At isa pa, magkano kaya ang pensyon na makukuha nila kung sakali?

Masyadong mahal ang modernong jeepney. Halos tatlong milyon kung tutumahin. May subsidiya man ng gobyerno, hindi naman ito ganoon kalaki –ni wala pa nga sa kalahati.

Napa-isip tuloy ako, bakit kaya parang hindi matapos tapos ang paghihirap ng mga tsuper gaya ni Itay? Parang sunud-sunod na dagok na lang ang kinakaharap nila.

Noong pandemya, nakita ko sa social media na may mga drayber na namamalimos sa lansangan dahil wala nang makain ang pamilya nila. Sapagkat pinagbawalan silang mamasada noon, wala silang kita. Tanging sa ayuda na lamang sila umaasa.

Nasundan pa iyon ng pagtaas ng produktong petrolyo. May mga solusyong inihain gaya nang pagtanggal ng buwis sa petrolyo upang mapababa ang presyo nito ngunit ang pagtaas ng pamasahe lamang ang na-implementa. Kukulangin daw kasi ang pondo para sa susunod na taon kung mababawasan ang buwis mula sa produktong petrolyo.

Ngayon, ang pangkabuhayang jeepney na mismo ang nakasalalay. Kailan kaya matatapos ang kanilang kalbaryo?


IKALAWA

Bukang-Liwayway

Bumungad sa akin ang panibagong bukang-liwayway sa araw ng aking pagtatapos mula sa Senior High School. Dahil nasa ikatlong palapag ng makitid naming tahanan ang aking silid, tanaw ko ang pagsilip ng haring araw sa maliit na siwang ng bintana sa aking kwarto.

Halos tulog pa ang aking diwa at ulirat at nais ko pang bumaluktot sa aking higaan. Subalit parang hinihila ako ng aking mga paa dahil sa naaamoy kong agahan ni Inay. Kumalam ang aking tiyan. Naglalaban ang aking antok at gutom, ngunit nangibabaw ang huli kaya tumayo na ako.

Halu-halong emosyon ang nararamdaman ko sa katotohanang isang malaking pagbabago ang magaganap sa aking buhay. Masaya ako dahil makakawala na rin ako sa mga gawain sa eskwelahan, malungkot dahil mag-iiba na kami ng mga landas ng aking mga iilang kaibigan, kinakabahan para sa hinaharap na walang kasiguraduhan, at nanghihinayang sa mga panahong hindi ko gaanong napahalagahan.

Habang nag-aagahan, naalala ko bigla ang huling araw namin sa klase. Nagpapalitan ang aking mga kaklase ng mensahe mula sa isa’t isa. Iyong iba, may dedication notebook pa nga.

Tahimik lang akong estudyante hindi gaya ni Bunso kaya wala akong gaanong mga kaibigan sa paaralan. Hindi magkamayaw ang aking mga kamag-aral. Ako naman ay nakaupo lamang habang ang aking malilikot na mga mata ay nilibot ang kabuuan ng silid-aralan. Napako ang aking paningin habang napapangiti sa iilan kong mga kaibigan na nagsusulat ng mga mensahe para sa iba naming mga kamagaral. Napadako ang aking mga mata sa aming guro na nagmamasid lang sa aming klase, kaya naisip ko siyang lapitan at humingi ng mensahe.

Ordinaryong kwaderno lamang ang naiabot ko kay Sir pero tinanggap niya ito at sinulatan. Habang hinihintay ko siyang matapos magsulat, napansin kong may pila nang unti-unting nabubuo. Wari ko ay hihingi rin sila ng mensahe mula sa aming butihing adviser.

Kinalabit ako ng aming guro, inaabot ang aking kwaderno nang may ngiti sa kanyang labi, sabay gulo sa buhok ko. “Pasimuno ka kasi eh,” nakangisi niyang biro.

Nginitian ko lamang siya at nagpasalamat. Sinarado niya ang kwaderno nang ito ay kanyang binalik kaya dali-dali kong binuklat upang basahin ang kanyang mensahe habang papabalik sa aking upuan.

Utoy, tahimik ka lang pero ikaw ‘yung tahimik na nakikinig, nagmamasid, at higit sa lahat, gumagawa at tumutulong. Salamat at ‘di ka pasaway.
Sana ay maging manunulat ka gaya ng pangarap mo. O ha, naaalala ko ang mga pinagsasabi niyo noong unang araw ng ating klase!
Sana, maalala mo rin ako paminsanminsan. Pagbutihin mo saan ka man dalhin ng kapalaran!
Mula sa iyong adviser

Hindi ko napigilan ang pagsilay ng mga ngiti sa aking labi. Batid kong may halong lungkot sa kanyang isinulat. May bigat sa aking dibdib na hindi ko maipaliwanag. Palibhasa, may kirot ang mensahe.

Saan ba ako magsisimula? Hindi ko akalaing maaalala niya pa kung ano ang aking pangarap. Sa dami ba naman namin, sinong mag-aakalang matatandaan niya ang mga sagot namin. Isa pa, hindi ata nararapat sa akin ang kanyang mga papuri dahil parang hindi naman ako ganoon kabait. Higit sa lahat, makahulugan ang kanyang pamamaalam dahil alam niya ang aking sitwasyon.

Tinitigan kong mabuti si Sir. Nais kong tumatak sa aking memorya ang bawat guhit sa kanyang maamong mukha habang nagsusulat siya ng mensahe para sa iba ko pang kamag-aral. Aalalahanin ko siya paminsan-minsan nang may respeto at paghanga.

Nakikini-kinita ko si Ate sa kanya. Mahaba ang pasensya, banayad kung magalit, at mahusay magturo. Sila ni Ate ang mga nais kong maging ihemplo at maging huwarang guro sa hinaharap kung sakali man.

Maswerte ako na sa aking pagtatapos ay may babaunin akong magagandang alaala.


Lakas ng Loob

Kinakabahan ako ng bahagya. Nakaupo ako habang nagmumuni-muni ng mga sasabihin sa tapat ng aming guidance counselor’s office at hinihintay papasukin sa loob. Maya-maya pa’y sinenyasan na ako para pumasok ng sekretarya. Katahimikan ang bumabalot sa silid. Nakahihikayat balik-balikan ang ganitong kapayapaan lalo na kung ikaw ay introvert na nilalang. Ngunit sa iba ang ganitong katahimikan ay nakabibingi… nakababaliw. Binati niya ako at nakangiting tinanong kung anong maitutulong niya sa akin.

Nabanggit ko sa kanya ang aming problema sa pamilya. Tipid akong magsalita kaya kinakailangan niya pang magtanong ng ilang mga bagay upang mas mahinuha ang sitwasyon. Nagtanong siya gaya ng ilan kami sa pamilya, pang-ilan ako at ilang taon na ang aking mga kapatid. Palagay ko ay pinagagaan niya ang usapan upang mas maisiwalat ko ang tunay kong damdamin at saloobin.

“Anong naiisip mong gawin?” tanong ng aming guidance counselor.

Mabilis kong naapuhap ang sagot sa aking isipan ngunit mabagal akong nagsalita dahil alangan ako kung iyon ba ang sagot na hinahanap niya. “Balak ko po munang huminto sa pag-aaral at mag-apply sa call center.”

Tumango siya at nag-isip panandalian. “Narinig mo na ba ang Free Tertiary Education Act?”

Si Ate ay kasali sa mga nakalibre sa tuition fee sa kolehiyo. Iyon ata ang tinutukoy niya. “Opo,” sagot ko. “Pero baka po kapusin kami sa pang-araw-araw ng gastusin kahit libre po ang tuition naming lahat.”

Tahimik niya akong tinitigan. Sa kanyang mga malamlam na mga mata ay nababakas na parang binabasa niya ang aking kaibuturan. “Mabuti kang anak,” bulalas niya. “Pero ‘di mo kailangan solohin ang mga problema ng inyong pamilya.”

May katwiran siya. “Maaaring ganoon na nga po pero iba pa rin iyong nakakatulong ka sa kanila kahit papaano.”

“Mukhang desidido ka na pala,” pansin niya.

Itinaas ko ang aking kamay sabay kamot sa aking ulo. Nakasanayan ko nang gawin ito kapag nahihiya. “Kailangan ko lang po magpraktis makipag-usap.” At tinanong ko siya kung maaari kaming mag-mock interview kahit sandali lang. Pumayag naman siya.

Siguro, lakas lang ng loob ang kailangan ko


IKATLO

Isang Pagsisinungaling

Sabay sa pagtilaok ng manok ang aking pagdating sa bahay. Tulog ang lahat kaya dahan-dahan kong isinara ng pinto at maging ang aking mga hakbang. Nagtungo ako sa kusina upang tignan kung may makakain.

May tirang isda mula sa hapunan kagabi, subalit wala ng kanin. May isang saging din sa lamesa. Kinain ko iyong saging sabay inom ng tubig. Mabuti ng may laman ang tiyan kaysa wala.

Nakalipas na ang tatlong buwan matapos ang aming pag-uusap sa hapagkainan tungkol sa paghinto sa pag-aaral.

Hindi naisakatuparan ang plano ni Inay. Palibhasa’y wala naman kaming alam sa pagnenegosyo, hindi namin alam kung paano ito sisimulan. Wala kaming maibenta dahil wala naman kaming pampuhunan.

Kaya naman nakapagpasya kami ni Ate na mag call center agent pagkatapos ng school year. Ang plano ay kung sinong unang matanggap sa amin, siya na lamang ang magtatrabaho habang ang isa ay magpapatuloy sa pag-aaral. Sabay kaming nag-apply, at sabay ring natanggap. Ako ay natanggap sa isang non-voice account samantalang si ate ay napunta sa isang voice account.

Noong una ay pinipilit ko siyang ako na lang ang dapat magtrabaho para makapagtapos siya, ngunit inisip ni Ate ang kapakanan ko.

“At least, kung dalawa tayo, baka mas kayanin natin,” sabi niya.

“Paano po ang inyong pangarap?” Batid kong mahirap para kay Ate na tumigil sa pag-aaral dahil pangarap niya ito at malpit na niyang marating ang kanyang minimithing pagtatapos sa kolehiyo. Nakapanghihinayang pero mapilit si Ate.

Nag-isip siya sandali. Malayo ang tingin nang sabihin niya ito, “Sa hirap ng buhay ngayon, kailangan nating maging praktikal. Paano na lang tayo kapag hindi na makapamasada si Itay sa susunod na taon at nag-aaral pa tayong lahat? Saan tayo kukuha ng makakain?” Napayuko siya, at napansin kong kinukutkot ang kanyang mga kuko. “Naiisip ko ‘yan gabi-gabi.”

Sumulyap siya sa akin saka niya ipinagpatuloy ang kanyang sinasabi. “Kayang makapaghintay ng pangarap ko. Kahit maging guro ako, hindi ko siguro kayo kayang buhayin. Maliit ang sahod. Gusto ko sanang magpunla ng mga batang kayang harapin ang kahit ano, kaya dapat ganun rin ako.” Sinubukan niyang ngumiti, pero siya’y bigo sa pagpapakita na siya’y matapang. Tumuwid lamang ang kanyang bibig. “Sa ngayon, kailangan ko munang isipin ang kapakanan ng ating pamilya.”

Tumango-tango ako sa pagsang-ayon sa kanya. Alam kong kakayanin niyang malampasan ito; malaki ang tiwala namin sa kanya.

Matalino si Ate. Simula bata ay nakakakuha siya ng parangal mula sa paaralan. Sa bawat tanong sa kanya kung anong nais niyang maging paglaki, ang sagot niya ay hindi kailanman nagbago. Kahit anong sabihin ng iba tungkol sa hirap ng pagiging guro, sa baba ng sahod nila, o sa kung anupaman, ngiti lamang ang tugon ni Ate.

Gaya nang patuloy na pag-agos ng ilog papunta sa dagat, ganoon rin ang kanyang walang sawang pagsusumikap sa pag-abot ng minimithing pangarap: tuloy-tuloy at walang kapaguran, noon hanggang ngayon. Samantalang ako—

“O, anak, andyan ka na pala,” bungad ni Inay.

Hindi ko namalayan ang presensya ni Inay. Marahil ay ganoon na lamang kalalim ang aking iniisip. Dinampian ko ng mabilis na halik sa pisngi si Inay. “’Nay,” pabulong kong bati.

“Bakit naman inumaga ka na?” tanong niya, habang kinukuskos ang kanyang kanang mata. Buti na lamang at naka-isip ako nang palusot bago pa dumating.

“Ah, hinintay ko po ang unang byahe ng tren.” Alam ni Inay na hanggang alas-onse lang ang pasok ko.

Hindi ko alam kung alintana niyang may tinatago ako, ngunit kung gayon na nga, hindi naman niya iyon ipinahalata.

“O, sya, magpahinga ka na,” iyon na lamang ang nasabi ni Inay. Doon ko nasiguradong alam niyang may hindi ako sinasabi.

Nais kong humingi ng tawad kaya niyakap ko si Inay. Mahigpit, makahulugan. Niyapos niya ang aking likod at tinanong ako, “Bakit, anak?”

Matagal bago ako sumagot, “Pagod lang po, ‘Nay.” At unti-unti akong kumalas sa aking pagkakayakap. “Sige po, akyat na po ako.”

Mabagal ang aking bawat hakbang, mabigat ang bawat yabag, kasing-bigat ng aking nararamdaman.

Pagkarating ko sa kwarto, ibinaba ko ang aking maliit na bag, humilata ako at tumitig sa kisame. Hindi gaya noong nagaaral pa ako, wala akong kwaderno o librong bubuksan. Mahirap palipasin ang oras kaya siguro nagagawa ko ang magpahinga na lamang.

Nakipag-inuman ako kasama ang aking mga ka-opisina dahil may sahod na. Sapagkat takot akong mahuli nina Inay at Itay na uminom, bumili ako ng damit pamalit at naligo bago umalis sa bahay kung saan kami tumuloy. Ang barkada ko ang tumulong sa aking mag-isip ng palusot.

Ganoon talaga siguro kapag nagkayayaan; mahirap tumanggi. Siguro dahil na rin masaya silang kasama. Naninibago ako dahil sa paaralan ay nabibilang sa daliri ang mga kaibigan ko. Ngayon, sa team, parang lahat naninibago sa trabaho kaya halos lahat magkakasundo.

Naalala ko bigla ang mga bayarin kaya napa-upo ako sabay kuha ng lumang kwaderno at lapis. Inilista ko ang mga nagastos ko kagabi. Alak–200. Pulutan–150. Fast food–150. Pamasahe– 100. At ‘yung damit pa! Halos mag-i-isang libo na rin pala!

Sa swineldo ko, dapat ang sa pangkain namin ay nasa tatlong libo. Gaya ng sa pangkain, hati rin kami ni Ate sa kuryente at tubig.

Kailangan ko na palang tipirin ang natitira kong pera. Dapat ata, hindi na ako sumama.

Ngunit paano naman ako makahihindi?


Libreng Mangarap

Umaambon nang lumabas kami ni Ate sa bahay. Ngayon ay tuluyan nang bumuhos ang malakas na ulan. Sumilong muna kami sa isang karinderyang naghahain ng pares at mami. Tinanong ni Ate kung maaari nga kaming sumilong at pumayag naman ang nagtitinda. Masarap sana kumain ng pares at mami sa tag-ulan ngunit wala naman kaming dalang pera bukod sa pamasahe.

Kukuha sana kami ng NBI Clearance, isa sa mga requirements para maging opisyal na empleyado na kami. Noong makita ko iyong mga kailangang isumite sa kompanyang papasukan namin ni Ate, namroblema ako sapagkat wala pa ako ni isa sa mga iyon. Naisip kong dagdag gastusin na naman iyon.

Mabuti na lang at sinabi sa akin ni Ate na libre pala ang pagkuha ng lahat ng requirements dahil sa isang batas para sa mga unang beses na maghahanap ng trabaho.

Inasikaso namin agad iyong mga madadaling kunin. Wala namang naging aberya. Heto na nga at magpapabiometrics na sana sa NBI matapos magpa-appointment online pero kailangan yata naming hintaying tumila ang ulan o hindi kaya ay humina man lamang. Matagal-tagal pa ata iyon kaya naisipan kong kausapin na lang si Ate pampalipas-oras.

“Ate, anong una mong gagawin sa sweldo mo?” bungad kong tanong.

Napakunot ang noo ni Ate sa pag-iisip. “Siguro i-aabot kay Inay iyong mga panggastusin natin. Tapos si Itay din bibigyan ko nang kaunti para makapaglibang din siya ng karera. Matagaltagal na rin siyang hindi tumataya. Iyong matitira, hahatiin ko: iyong panggastos ko sa pagpasok at iyong itatabi ko para sa pagpapatuloy sa aking pag-aaral.”

Napangiti ako. Ang responsable talaga ni Ate kahit kailan. “Ahh, napag-isipan niyo na po pala nang maigi.”

“Ikaw ba?”

“Gusto ko sanang mabilhan sila ng TV,” patawa-tawa kong sagot kasi masyado atang mataas na hangarin iyon. Luma na kasi ang TV namin. Iyon sana ang libangan naming pampamilya kahit papaano.

Ngumiti lang si Ate. “Wala namang masamang mangarap.”

“Tapos bibili rin ako ng bagong cellphone!” habol ko nang pabiro.

Dito siya natawa. “Utoy, wala ka namang gaanong kaibigan. Saan mo naman gagamitin ang bagong cellphone?”

“Pangkuha ng retrato, Ate.” Sapagkat kalakip ng mga retrato ang mga alaala ng kahapong hindi na maibabalik.

“Sige na nga,” sabi niyang tila sumusuko na sa usapan. “Pero huwag mo sanang makalimutan iyong ating hatian, ha?”

“Opo, Ate.”

Iyon ang una at huling pangakong aking binitawan kay Ate.


IKA-APAT

Ang Paghahangad

Kasama Kaming buong pamilya ay pumunta sa Divisoria upang mamili ng mga gamit ng dalawang kong nakababatang kapatid para sa darating na pasukan. Gaya ng dati, aligaga ang dalawa, halatang sabik na sabik makagala at makapamili ng mga gusto nila.

Magse-Setyembre na rin pala. Halos magdadalawang buwan na kami ni Ate sa call center. Heto nga at wala pa rin akong ipon kahit ganoon. Paano ba naman, aya dito at aya doon ang barkada. Binabawasbawasan ko naman ang pagsama dahil baka makahalata sina Inay at Itay.

“‘Tay, ‘tay,” tawag ng aking bunsong babaeng kapatid, sabay turo sa direksyon ng mga sapatos. Mga rubber shoes iyon at hindi leather shoes na mas magagamit niya sa pasukan.

“Wow, ang ganda nito, Ate,” parinig naman ni Bunso na may hawak nang rubber shoes kahit kararating niya lang din doon.

Ako ang siniko ni Ate. “O, ikaw ang tinawag ni Bunso ah,” nakangising sabi ko sa kanya.

“Sige, ako bahala kay Bunso, ikaw kay Shobe,” mas malawak ang ngising sumilay sa kanyang mga labi. Paano ba naman, may talento si Shobe sa pagpili kung alin ang pinakamahal na bibilhin.

Hindi kami Chinese, pero nalaman kasi naming shobe ang tawag nila sa mga bunsong babae kaya iyon na rin ang tawag namin sa nakababata kong kapatid na babae.

“Magkano po ito?” Tinanong ni Shobe sa tindera kahit wala pa si Itay na tumitingin pa ng mga Class A na wallet kasama si Inay.

Ito talagang si Shobe, walang takot makipag-usap gaya ni Bunso. Nung bata ako, ni magtanong ng presyo na kahit ano sa Divisoria, hindi ko magawa.

“Beh, 600 na lang sa’yo,” sagot naman ng tindera.

Nagkatinginan kami ni Ate. Ang mahal! Pero naalala ko iyong ipinang-inom ko noong isang araw kaya hindi ako nagsalita.

“Wala na pong tawad?” tanong ni Ate.

“Mura na nga po ‘yan. Pati maganda po kasing klase talaga ‘yan. Mabenta talaga yan,” sagot naman ng nagtitinda.

Dumating sina Itay at Inay na wala ring nabili sa kanilang pagtingin-tingin. Tinuro namin ang gusto ni Shobe na sapatos at ibinigay ang presyo sabay sabing hindi namin kayang bilhin iyon. Tig-limang daan lang ang badyet namin para sa dalawa at para lang iyon sa mga kinakailangan talaga. Nakaka-tatlong daan mahigit na kami pareho ni Ate kina Shobe at kay Bunso. Wala pang school supplies doon.

Nag-isip saglit si Itay. Tinignan niya ang mga mata ni Shobe. Nakatingin sa sahig si Shobe na tila alam nang malabong bilhin ang gusto niya. Tinignan rin ni Itay si Bunso na nilalaro lang naman ang sapatos na nagustuhan niya. Iniisip siguro ni Itay kung magpapabili din si Bunso. Mukhang hindi naman.

Pikit-matang binili ni Itay ang nais na sapatos ni Shobe. Isang boundary rin iyong presyo. Alam kong walang-wala na kami, ngunit tila mas masakit para sa mga magulang na hindi maibigay ang gusto ng kanilang mga anak. Tunay ngang isusubo na lang nila, ibibigay pa ng mga magulang sa kanilang mga anak.

Wala akong balak magkasariling pamilya. Hindi kailanman pumasok sa isip ko ang magkaroon ng anak. Sa hirap ba naman ng buhay. Sarili ko na nga lang hindi ko pa kayang buhayin. Sapat na sa akin na ang aking pamilya lang ang tanging pagkakagastusan.

Maaaring hindi ko pa maibibigay ang lahat ng kaginhawaan at karangyaan para sa kanila sa ngayon, pero darating din doon. Mabibili ko rin ang nais nila sa pagdating ng panahon.


Pagtingin

Abot-tainga ang aking ngiting hindi mapalis mula sa aking labi magmula nang ako ay umalis sa trabaho hanggang sa pag-uwi. Nakakatuwa kasi ang aking teammates sa call center. Sari-sari ang mga nakakaaliw na kuwento na talaga namang magpapalimot sa anumang problema. Kahit ibaiba man kami ng pinanggalingan pinagbuklod naman kami sa iisang trabaho.

Mayroong mga may pamilya na sa kanila— mga may-edad na tulad ni Inay at Itay. Ang iba naman ay mga single parents. Sa grupo, marami ang mga nakapagtapos ng kolehiyo, pero mayroon akong iilang mga ka-edaran na katatapos lang rin sa senior high school. Ito ang kagandahan sa industriyang ito: walang diskriminasyon.

Ngunit sa totoo lang, ang dahilan kaya hindi ko mapigilan ang pagsilay ng ngiti sa aking labi ay dahil sa isa kong ka-teammate.

May napupusuan na nga yata ako sa aking mga katrabaho.

Hindi ko mawari noong una kung bakit hindi ko mapigilang mapabaling sa kanyang gawi. Sabagay, sa kanya ka naman talaga mapapasulyap dahil sa kanyang angking katangkaran. Ganoon siguro kapag matangkad, center of attraction; siya ang una at unang mahahagilap ng iyong mga paningin sa napakaraming tao sa production floor. Kinalaunan ay natanggap ko na rin sa aking sarili ang tunay na dahilan kaya siya ang unang nahahagip ng aking paningin.

May paghanga ako sa kanya.

Hindi ko alam kung nahahalata na ng iba kong mga katrabaho o maging siya ang panakaw na pagsulyap-sulyap ko sa kanyang gawi dahil minsa’y napapatitig na pala ako sa kanya nang matagal.

Break-time kanina. Maya-maya pa’y masaya siyang nilapitan ng aming kaibigan dahil naapprove raw siyang magkaroon ng credit card. Naririnig ko sila pero hindi ako nakisali sa usapan. Napakatahimik kong tao, introvert nga sabi nila. Kaya siguro okay lang sa kanila na maulinigan ko ang kanilang mga kwento kasi alam naman nilang hindi ko hilig ang pagsasalita, ibinaling ko ang aking tingin sa kabilang dako, kahit na ang totoo ay patuloy pa rin akong nakikinig sa kanilang usapan.

Ang hindi ko malaman ay kung guni-guni lamang ito: paminsan-minsan ay parang nararamdaman kong pasulyap-sulyap din siya sa aking gawi.


IKALIMA

Isang Palabas

Nagkakagulo na naman ang dalawa kong nakababatang kapatid. Naabutan kong nagaagawan sa remote control ang dalawa ng sila ay aking datnan sa bahay. Sinabihan ko si Shobe na pagbigyan na niya si Bunso. Sumimangot lang si Shobe pero sumunod pa rin sa akin.

Mayroon na kaming bagong TV. Hindi man ito top-of-the-line, Smart TV pa ring maituturing at malinaw na rin naman. Napapanood nila ang lahat ng gusto nilang panoorin. Iyon nga lang, kapag nagkakasabay manood sina Bunso at Shobe, nagkaka-alitan sila kagaya kanina.

Nakabili na rin ako ng washing machine para hindi na mahirapan si Inay sa paglalaba ng mga damit. Dati kasi, tuwing susubukan namin ni Ate na tulungan si Inay sa paglalaba, ay tumatanggi siya. Magaral na lang daw kami, paki-usap niya noon. Ngayon naman ay sasabihan na lang niya kami na magpahinga na lang dahil kaya na raw niya iyon. Kaya ayon, bumili na lang ako ng washing machine para mapadali ang trabaho ni Inay sa bahay.

Bago na rin ang aking cellphone. Hindi man ganoon kamamahalin pero may maganda na rin namang camera. Mga retrato nina Inay at Itay ang pinakamarami sa cellphone ko. Unti-unti na silang tumatanda at nais kong suliting makunan ng larawan ang mga panahong masasaya sila habang narito pa sila, lalo pa’t kung tutuusin ay walang kasiguraduhan ang ating buhay.

Masaya ako dahil nabibili ko na rin ang mga gusto ng aking dalawang nakababatang kapatid. Mapa-laruan o damit, sige lang ako nang sige sa pagbili basta para sa kanila. Gusto kong iparanas sa kanila ang hindi ko naranasan noong aking kabataan.

Gayundin ako sa aking sarili. Marahil ay dala ito ng aking pag-impit sa aking mga kagustuhan simula pagkabata. Ngayon, nabibili ko na ang dating hindi ko man lang kayang pangaraping bilhin.

Sinubukan kong bilhan ng bagong mga damit sina Inay at Itay subalit tinanggihan nila ito. Sabi nila ay maayos pa naman ang kanilang mga suot. Wala rin naman daw okasyon para magsuot sila ng mga magagandang damit. Ganoon din ang sinabi ni Ate.

Ito ang katas ng aking pagsusumikap— iyan sana ang nais kong sabihin pero ang totoo ay bunga iyan ng paggamit ng credit card.

Papalapit na ang katapusan. Nariyan na ang mga talaan ng mga bayarin. Ngayong Oktubre, tumaas ang aming mga bayarin bunsod na rin ng pagkakaroon ng bagong appliances.

Hindi ko alam kung paano aaminin sa kanila na hindi muna ako makakapag-abot pansamantala.

Ang tatlong-kapat sa aking susuwelduhin ay pambayad-utang pa lamang sa credit card. Ang natitira naman ay panggastos ko na sa pang-araw-araw na pagpasok sa trabaho.

Si Inay muna sana ang aking unang lalapitan upang makapagpaliwanag. “‘Nay,” wika ko sabay mano kay Inay. Tinantsa ko sa mukha ni Inay kung nasa tamang mood siya—maaliwalas naman ito. Magsasalita na sana ako nang saktong dumating si Ate na binati rin si Inay at nagmano rin.

Nabalisa ako nang saglit. Hindi pa ako handang humarap kay Ate at magpaliwanag lalo pa’t nangako ako sa kanya sa aming hatian.

Subalit nangibabaw ang aking pagnanais na mawala na sa aking iisipin ang mga sabay-sabay na bayarin kapag nagkataon.

“Ate, ‘Nay, maaari po ba tayong magusap?” Sumang-ayon naman silang dalawa at isinara ko ang pinto sa aming kusina para sana hindi marinig ng dalawa kong kapatid sa sala ang aming pag-uusap.

“Pasensya na po, ‘Nay, baka ‘di po muna ako makapag-abot ngayong darating na katapusan.”

Bakas sa mukha ni Inay ang pagkabagabag. “Ah, ganoon ba,” mahina ang kanyang sagot. Napayuko siya na tila kinakalkula ang mga bayarin.

Sumulyap ako kay Ate. Makikita sa kanyang mukha na nag-aalala siya para kay Inay.

Marahang tinapik-tapik ni Ate ang palad niya sa balikat ni Inay na para bang pinaalalahanan ito na hindi siya nag-iisa at magiging maayos din ang lahat, sabay yapos nito. “‘Nay, ‘wag na po kayong mag-alala. Ako na po munang bahala sa mga gastusin pansamantala, tsaka may incentives akong nakuha sa trabaho dahil madami akong naibenta.”

Tumingin lang si Inay kay Ate, wari’y iniisip kung papaano na lamang pagkakasyahin ni Ate ang kanyang susuwelduhin sa darating na katapusan.

“Ate, ‘Nay, patawad po,” mahina kong sinabi. Nanliliit ako sa aking sarili na para bang gusto ko nalang lamunin ng lupang aking kinatatayuan.

Malumanay na nagsalita si Ate. “Ano bang nangyayari, Utoy?” Hindi siguro napigilan ni Ate ang magtanong. Karapatan niyang humingi ng paliwanag. Karapatan nilang lahat iyon lalo pa’t alam kong napaka-iresponsable ng aking ginawa.

“‘Yong bayarin kasi sa credit card, nagkasabay-sabay na po, Ate,” paliwanag ko. “Hindi ko po inaasahang ganoon na pala kalaki ang aking utang.”

“Pupuwede kayang ipaputol na ‘yan?”

Umiling-iling ako. “Hindi po hangga’t ‘di ko pa po nababayaran lahat-lahat.” Nagisip ako kung papaano mapapagaan ang loob ni Ate. “Gusto niyo po bang hawakan na lang po muna ito? Para sana hindi ko na po magamit ulit.”

“Sa’yo iyan, Utoy. Baka kailanganin mo rin panggastos,” sagot ni Ate.

Si Ate talaga, kahit na ganito na ang nangyayari ay ako pa rin ang ini-isip.

“Pero upuan natin ang problema. Bakit ka ba—,” napahinto si Ate nang bahagya sa kanyang sinasabi, “—nagkakaganyan?”

Kamot-ulo lang ang nais kong isagot, ngunit alam kong kailangan niya nang mas malinaw na paliwanag. “Dahil po siguro napapagastos ako sa mga bagay na hindi ko nakukuha noong ako’y bata pa?” May iba pang dahilan pero ipinagpaliban ko muna iyon para sa ibang panahon.

“Pasensya na po talaga, Ate, ‘Nay. Hindi na po—” mauulit, sasabihin ko sana, pero napako na ang aking pangako kay Ate at hindi ko na kayang mangako ulit. “— tama ang aking paggastos. Masyadong nasilaw ako sa paggamit ng credit card. Sana ay mapatawad niyo po ako.”

Isang mahigpit na yakap ang iginanti ni Ate.

Hindi ako karapat-dapat sa kanilang malawak na pang-unawa at marubdob na pagmamahal pero iyon ang aking patuloy na natatamasa. Sana ay sapat sa kanila ang aking pagmamahal.


Pagkabaon, Babangon

Alam kong may mali na nang magsimula akong manood sa internet ng mga videos tungkol sa “credit card debt and how to get out of it” na siyang tinatype ko sa search bar ng isang search engine site.

Doon ko lamang napagtanto kung paano ba dapat ideally ginagamit ang credit card. Kadalasang ginagamit ito bilang kapital sa mga negosyo o ‘di kaya naman ay para sa pang-arawaraw na gastusin dito. Maaari rin namang gamitin ito sa mga household expenses, iyon nga lang ay may partikular na credit card para makaearn ng points para dito.

Pero ayun na nga e, nabaon na sa utang. Ano na lang ang magagawa ko para mawala ito bilang sakit ng aking ulo?

Wala namang ibang paraan kundi bayaran ang utang kahit paunti-unti. Mas malaki dapat kaysa sa Minimum Amount Due ang binabayaran kung may kakayanan na.

Naisip kong mag-moonlighting habang nagtatrabaho sa call center para sana ay may pandagdag kita. Ngunit ano naman ang aking gagawin kapag nag-moonlighting? Hindi pa ako nakapagtapos ng kolehiyo at masyado akong mahiyain para maging financial advisor, pero iyon lamang ang lehitimong trabahong nakita ko na hawak ang oras.

Naghanap-hanap pa ako sa internet hanggang sa may nakita akong opening bilang isang writing consultant kung saan hawak mo ang oras mo.

Iyon ang mundong aking pinasok.


IKA-ANIM

Sa Bisperas ng Pasko

Sa bisperas ng Pasko, nagtatrabaho ako. Ito ang unang pagkakataong hindi ko makakasama ang aking pamilya sa mahalagang okasyon kagaya nito. Hindi rin masuwerte si Ate dahil nagtatrabaho rin siya ngayong gabi. ‘Di na bale, sa darating na bagong taon naman, magkakasama-sama kaming lahat.

Pampalubag-loob na lang siguro na avail ngayon sa loob ng prod. Ibig sabihin noon ay walang gaanong pumapasok na chats. Masaya rin kapag-avail time dahil wala kang sakit ng ulo mula sa mga customers. Nagkukwentuhan ang mga agents o di kaya naman ay naiidlip sa kanilang mga swivel chairs. Pero tila napakabagal ng oras at gusto ko nalang hilahin ang oras para maka-uwi na.

Napadpad ang aking isipan sa aking pamilya. Hinalikan ako ni Bunso sa pisngi bago ako umalis ng tahanan. May laway pa nga pero hindi ko naman alintana. “Maligayang Pasko, Kuya!” bati niya.

Nabigla ako at napangiti.

Siyempre, hindi naman papatalo si Shobe na hinalikan din ako sa kabilang pisngi sabay bati rin.

“Salamat,” bulong ko sakanila sabay paliwanag. “Pero wala munang maibibigay na regalo si Kuya ngayong Pasko, ah. Patawad.”

“Kuya, wag ka na pong mag-alala… madami na po kayong nabili saming laruan,” sabi ni Shobe, sabay lingon kay Bunso na tila nag-uusap gamit ang mga mata. Sabay sila ng pagwika ng, “Salamat po sa inyo.”

Ipinatong ko ang aking palad sa ulo nila Bunso at Shobe at marahang ginulo ang kanilang mga buhok sabay paalam. “O, siya. Aalis na muna ako. Pakabait kayo, ah! Huwag pasaway.” Pagkasabi ko noon ay tumalilis na si Bunso at akmang hahalikan si Shobe. Gusto atang halikan ito sa pisngi pero ayaw ni Shobe kasi malaway humalik si Bunso.

Sa kanilang paghaharutan at tawanan ay masaya na sila kahit walang laruan. At kahit sa ganung kakulitan ay napasaya na rin nila ako na hindi mapapantayan ng anumang materyal na bagay.

Sila nina Inay, Itay, at Ate ang inspirasyon ko kaya nakukuha ko pa ring magpursige sa trabaho. Sila na lamang ang isinasaalang-alang ko tuwing nawawalan ako ng ganang pumasok. Kapag inisip ko kasing nagtatrabaho ako para makapagbayad ng utang ay talaga namang nakakapanghina ng loob. Para bang gusto ko na lamang ganap na sukuan ang buhay at lahat ng bagay.

Ngunit wala akong karapatang umangal. Ako ang naglagay sa aking sarili sa posisyong ito. Kailangan kong harapin ang mga kinahinatnan ng mga desisyon ko.

Pero patuloy ang tulong sa akin ng aking pamilya. Sinimulan na ni Inay na pabaunan kaming dalawa ni Ate. Malaking tipid iyon kung tutuusin. At isa pa, hindi na namin kailangang mag-isip pa kung ano ang kakainin.

Iniwan ko na kay Inay ang aking credit card para hindi ko na magamit ng tuluyan sa paggastos. Nauunawaan naman ng aking dalawang kapatid kung bakit hindi ko na sila mabilhan ng mga gusto nila gaya ng dati.

Si Itay naman, tinanong ako kung nais kong magpatuloy sa kolehiyo kahit hindi pa sa ngayon. Ang tanging nasambit ko lamang ay pag-iisipan ko muna. Wala pa kasi talaga akong tiyak na kursong kukunin kung nagkataon. Naisin ko mang maging manunulat ay hindi naman namin kakayanin, lalo pa’t alam ng lahat na walang pera sa trabahong iyon liban na lamang kung may makinarya at mga koneksyon.

Sa dami ng nangyari sa taong ito, laking pasasalamat ko na lamang at nagmamahalan ang aming pamilya. Hindi lahat ay mapalad na nauunawaan kapag sila ay nagkakamali. At hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataong makapagsimulang muli.


Multo

Ayaw na niyang magpakita pa sa akin. Lumipat siya ng team, wala na ring komunikasyon, at higit sa lahat, blocked ako sa lahat ng kanyang social media accounts.

Hindi ko akalaing ganito pala ang ma-ghost. Masakit, oo, pero nangingibabaw ang pagka-inis sa akin.

Hindi ko alam kung saan ako nagkamali. Siguro kulang ako sa pagpapakita ng interes o ‘di kaya naman ay sadyang nawalan lang siya ng interes. Ngunit wala na akong magagawa. Hindi ko na rin naman siya matatanong pa kung bakit ganoon na lang niya ako iniwan sa ere.

Gayunpaman, ang kagandahan sa paglipas ng panahon ay pagkatutong kaakibat nito mula sa mga pagkakamali ng nakaraan. Maraming mga maling desisyon ang naghahatid sa tamang destinasyon.

Dahil sa paghahangad ko na makalimutan siya sa lalong madaling panahon, iginugol ko ang aking oras sa pagtatrabaho. Minsan ay naging top performer din ako sa team. Sa pagiging writing consultant naman ay madalas akong makakuha ng magagandang feedback mula sa mga kliyente. Unti-unti na akong nakakabayad sa aking mga utang sa credit card.

Unti-unti nang nanunumbalik ang aking pagtitiwala sa aking sarili. At unti-unti na rin akong nakakawala mula sa multo ng kahapong hindi na maitatama at hindi na maibabalik.


HULI

Bagong Yugto

Nagdaan ang isang buong taon nang napakabilis. Bagong taon na namang muli. Simula na naman ng panibagong yugto sa aming buhay.

Naglilinis kami ng aming munting tahanan. Nagwawalis si Ate. Pagkatapos niyang magwalis ng sahig ay pagtutulungan namang punasan ito ng maliliit kong kapatid. Kami ni Itay ay nagkukumpuni ng mga butas sa kisame at inaayos ang alulod. Si Inay ay abala sa pagpapalit ng mga kurtina sa bintana para raw umaliwalas ang itsura ng aming tahanan.

Nang kami ay matapos maglinis, ang mga handa naman ang aming pinagtulungan. Nagluluto si Inay ng spaghetti na paborito naming lahat. Kami ni Ate ay nagtulungang gumawa ng buko salad. Ako ang taga-kayod ng buko samantalang siya ang tagahalo ng mga sahog. Siyempre, ang taga-tikim namin ay ang dalawang bunso at si Itay.

Nang kami ay matapos sa paghahanda, nanood muna sila ng TV sa sala. Maririnig na ang iilang malalakas na paputok sa kalsada. Hindi na kami bumili ng paputok; ipinandagdag na lamang sa handa ang pera kaysa gastusin sa panandaliang liwanag at ingay ng paputok.

Kinuha ko ang pagkakataong iyon para ilabas ang itinatago kong regalo para sa aking pamilya: mga liham na aking isinulat para lamang sa kanila. Kanya-kanya sila ng matatanggap na sobre. Kalakip nito ay maliit na halaga na galing sa aking 13th month pay.

Nagpasalamat sila at binuksan ang kani-kanilang mga liham. Habang ginagawa nila iyon ay kinukuhaan ko sila ng mga retrato.

Napatigil na lamang ako sa pagkuha ng mga retrato nang may luhang pumatak mula sa mata ni Itay.

“Salamat, ‘Nak,” panimula ni Itay. “Hindi naman talaga namin kailangan ng mga materyal na bagay,” sabi ni Itay nang may impit na ngiti. “Sapat naman ‘yong Utoy na kilala namin. Malaki-laki na rin ang ipinagbago mo. Kahit ganoon ay sana malaman mong tanggap ka namin.” Namumula na ang ilong ni Itay. “Tanggap ka namin nang buong-buo.” May bigat ang kanyang bawat salitang may makahulugang pahiwatig. Tila ba kilalang-kilala nila ang tunay kong pagkatao at kailanma’y wala akong maitatago sa aking pamilya.

Niyakap ako ni Itay.

Napatangis na ako na parang bata. Bawat hikbi ay dala ng pagsisisi; bawat luha ay may kalakip na saloobing hindi masabi.

“Ito nga pala,” sambit ni Ate habang papalapit sa akin. “Pinag-ipunan naming lahat. Nasa kalahati pa lang siguro ‘yan ng lahat ng mga bayarin mo pero para sana ‘di na lumobo ang interes.”

May iniaabot siya sa akin na salapi. Umiiling ako sa pagtanggi subalit kinuha ni Ate ang palad ko at pilit itong binuksan upang ilagay ang ini-abot niya.

Natigilan ako nang mahawakan ko ang pera. Tantsa kong malaking halaga ang nasa aking kamay.

“Paano—?” Hindi ko maituloy ang aking sasabihin.

Si Bunso aay pumalahaw ng iyak hanggang sa lahat na sila ay lumuluha. Nanginig ang aking labi. Hindi maaari—

“‘Nak,” bungad ni Inay habang pinupunasan ang kanyang mga luha. “Ibinenta ni Itay ‘yong dyip.”

Lumakas lalo ang pagtangis ni Bunso. Kahit musmos man ay may nalalaman na rin ito. Akala nati’y inosente lang ang mga bata ngunit minsan ay mas marunong pa sila sa nakatatanda. Niyakap siya ni Itay na hindi na rin napigilang humikbi.

“Tahan na, tahan na,” malumanay na pag-alo ni Itay kay Bunso. Gayundin si Inay kay Shobe.

Nang makahinga na rin si Itay, itinuloy niya ang kanyang sasabihin. “Okay lang, ‘nak. Iyon rin talaga ang kahahantungan nito—ibebenta at ibebenta rin talaga ang mga lumang dyip.”

“Mainam na rin, mas mataas ng diyesmil ang kuha sa akin. ‘Yong bente-mil, pangsali ko sa kooperatiba; iyong natira lamang ang nariyan sa’yo. Galing sa ipon ng Ate mo ang iba dyan. Binenta na rin namin ‘yong washing machine. Kukunin bukas nang tanghali. Pasensya ka na, ha?”

Si Ate, nilapitan din ako at niyakap. “‘Wag mo na ulit gagawin ‘yon ah. Kuntento naman kami nina Inay at Itay, eh. ‘Yung dalawang kapatid mo naman, wala pang alam sa porma-porma.

“Kung may gusto kang baguhin sa sarili mo, ok lang rin ‘yon. Susuportahan ka namin. Pero ‘wag sanang gigil masyado sa salapi. Pagsumikapan natin ‘yung mga gusto nating makuha—sama-sama—pero ngayon, tiis-tiis muna. ‘Di naman natin kailangang magmadali.”

Tumango-tango ako sa pagsang-ayon sa mga makatuwirang mga salita ni Ate.

“‘Nak,” panimula ni Inay nang may ngiting makahulugan sa kanyang mga labi, “alam ko.” Huminto siya nang bahagya bago itinuloy ang kanyang sasabihin. “Kahit ‘di mo sabihin, alam ko. Kahit itago mo man, nararamdaman ko. Kaya kung nahihirapan ka na, huwag mo sanang solohin ang mga problema mo.”

Niyakap ko si Inay nang mahigpit. Hinihintay lamang pala nila ako. Akala ko, magaling akong magtago. Patay-malisya lamang pala sila.


EPILOGO

Ang Lihim

Aking labis na pinagsisihan ang pagkuha ng credit card nang hindi pinag-aaralan ang wastong paggamit nito at maging ang responsibilidad na kalakip nito. Pinaigting pa ito lalo nang hindi matuloy ang pagbuo ng koopertiba dahil kulang sa mga miyembro. Marami pa rin ang ayaw ipagbili ang kanilang mga jeep. Maging si Itay, alam ko, ay ayaw rin sanang ipagbili ang kanyang minamaneho.

Hinanapan namin si Itay ng mapapasukang trabaho ngunit sa kasamaang palad ay hindi siya natatanggap dahil sa kanyang edad. Mas matanda kasi siya kaysa sa ibang mga aplikante.

May iilang mga establisyimiyentong tumatanggap ng mga Senior Citizens. Sinubukan ito ni Itay kahit hindi pa siya Senior Citizen. Labis ang pagkagulat niya nang siya ay tanggapin, lalo pa’t ipinaliwanag na hindi naman magkakaincentive ang restawran kapag hindi talaga Senior Citizen ang kanilang pinapasahod. Aniya, kay laking pasasalamat ni Itay nang siya ay natanggap na rin sa wakas kaya hindi niya napigilang umiyak sa harap ng kanyang magiging employer.

Matapos ang dalawang buwan na walang trabaho si Itay, bumalik na rin ang kanyang sigla. May ningning nang muli ang kanyang mga mata—hindi gaya noon na siya ay madalas makitang nakatulala kung hindi siya abala sa pagtulong kay Inay sa mga gawaing-bahay.

Sa kabila ng lahat ng ito ay may lihim akong itinatago. Hindi ko alam kung alam ito ng aking pamilya o patay-malisya lamang sila, pero matagal-tagal ko na rin itong tanggap sa aking sarili.

Habang ako ay papasimula sa pagiging customer service representative ay umibig ako sa isang lalaki.

Siya ang dahilan kaya hindi ako makatanggi sa mga inuman. Siya ang dahilan kaya binabago ko ang aking porma. At siya rin ang dahilan kaya ngayon ay narito ako sa Malayang Magmahal sa Maynila para magpasuri kung may HIV ako. Nanginginig ang aking kalamnan— nangingilabot ang aking isipan sa mga sunod na magaganap.

Ang mali ko ay ipinagkatiwala ko ang aking sarili nang buo kahit hindi pa kami gaanong magkakilala nang lubusan. Isang beses lamang iyon at hindi na naulit. Hindi ko alam kung may mali ba sa akin pero ayaw ko muna itong isipin. Sa ngayon ay kailangan ko muna ng lakas ng loob para harapin itong aking ikinatatakot.

Hindi ko alam kung siya ay may sakit.

Aaminin kong hindi agad pumasok sa aking isipan ang magkaroon ng ganoong sakit. Nalaman ko lamang ang tungkol dito dahil mayroon akong kaibigan noong SHS na nagpost sa kanyang feed tungkol sa HIV dahil kinakailangan ata sa kanilang kurso. Dali-dali akong naghanap ng libre at confidential na HIV Testing Center. Sa Malayang Magmahal ako nagtungo at nagpa-iskedyul agad ng appointment.

At ngayon na iyon.

Sa kaba ko, mali ang napindot kong doorbell. Sa kabila pala ang Malayang Magmahal. Malamlam ang mga ilaw sa loob. Tahimik ang lugar at kakaunti ang tao. A-apat lamang ata kami sa silid.

May mga pinapasulatang mga papel tungkol sa mga personal na impormasyong mananatili namang konpidensyal, ayon sa aking naka-usap. May mga tinanong siya sa akin na sinagot ko namang tuwiran.

Kinuhaan na muna ako ng sample ng dugo mula sa aking hinlalato, at habang hinihintay ang resulta ay ipinaliwanag niya sa akin nang masinsinan kung paano nakukuha ang HIV. Tinalakay niya rin ang iba’t ibang mga maling haka-haka tungkol dito. Iwinasto niya ang paniniwalang nakukuha ito mula sa laway laman–wala raw katotohanan ito.

Tinanong niya ako kung handa na raw ba akong malaman ang resulta. Sumagot ako at ipinakita na niya ang testing kit.


Likes cannot be undone
#Slice of Life
#Fiction
#Political