Kabayanihan
Isinulat sa bansang pinapatay ang mga bayani. At ginagawang bayani ang mga pumapatay.
Pinanganak, lumaki, at nanawa sa hirap si Juan dela Cruz. Sumali sa gang, nakapatay, at nakulong sa Muntinlupa si Juan dela Cruz. Binugbog, ginutom, at nagdusa sa loob si Juan dela Cruz. Naging sanggano lalo si Juan dela Cruz. Natropa sa mga magnanakaw, mamamatay, at bilanggong pulitikal si Juan dela Cruz. At nang matapos ang ilang taon ng pagkakakulong, lumaya si Juan dela Cruz.
Pero ex-con pa rin si Juan dela Cruz. “I’m sorry,” sabi ng interviewer, “we just can’t hire you, Mr. Juan dela Cruz.”
Kaya sumama sa mga kapwa n’ya unemployed si Juan dela Cruz. “TRABAHO PARA SA LAHAT!” ang sigaw ni Juan dela Cruz.
At sumama sa strike ng mga manggagawa si Juan dela Cruz. “TAAS-PASAHOD!” ang sigaw ni Juan dela Cruz.
At sumama sa rally ng mga magsasaka si Juan dela Cruz. “TUNAY NA REPORMA SA LUPA!” ang sigaw ni Juan dela Cruz.
At sumama sa walkout ng mga estudyante si Juan dela Cruz. “MAPAGPALAYANG EDUKASYON!” ang sigaw ni Juan dela Cruz.
At sumama sa tapat ng US embassy si Juan dela Cruz. “IMPERYALISMO IBAGSAK!” ang sigaw ni Juan dela Cruz.
At sumama sa laot si Juan dela Cruz. “AMIN ANG WEST PHILIPPINE SEA!” ang sigaw ni Juan dela Cruz.
At sumama sa bundok si Juan dela Cruz. “LUPANG KATUTUBO, IPAMANA! HUWAG IPAMINA!” ang sigaw ni Juan dela Cruz.
Hanggang sa mapadpad sa harap ng Malacañang si Juan dela Cruz. “POLITICAL DYNASTIES BUWAGIN!” ang sigaw ni Juan dela Cruz.
At isa-isa na nga ang sumumpa sa pangalang “Juan dela Cruz.”
Sinumpa ng negosyante si Juan dela Cruz. “Bad for business, amigo, iyang si Juan dela Cruz!”
Sinumpa ng politiko si Juan dela Cruz. “Sinasabi ko po sa inyo, mga kababayan, pulahan iyang si Juan dela Cruz!”
Sinumpa ng Kano si Juan dela Cruz. “Damn that Juan dela Cruz!”
Sinumpa ng Intsik si Juan dela Cruz. “我喜欢吃狗肉! (Estupidong unggoy si Juan dela Cruz!)”
Hanggang, isang araw, ay binaril na lamang ng isang Pilipino rin si Juan dela Cruz. “Wala, e,” sabi ng Pilipino, “madadamay pa kaming lahat sa mga pinagsisisigaw ni Juan dela Cruz.”
At may ilang nagluksa. At nagkaroon ng libing. At nagkaroon ng mga estatwa at memorial at parangal at hinirang na bayani ang Pilipinong pumatay kay Juan dela Cruz.